cropped-philippine-flag.jpg

Asyano ka ba? Pilipino? Weh?


    Dalawang lalaking aeta ang sumakay sa isang pampublikong sasakyan sa lungsod. Naka-suot sila ng kanilang katutubong pananamit na may dala-dalang isang sibat. Naupo sila sa bandang likuran ng sasakyan kung saan pumapasok ang mga pasahero. Nang sila’y handa nang umalis, napansin nilang ayaw nang pumasok at sumakay ang pasahero ng dyip. Nagtaka sila dahil nakita nila sa mga mata ng kababayan ang panghuhusga at takot ng mga tao.

Ikinwento ito sa amin ng isang guro ko ngayong kolehiyo. Noong una’y sinabi ko sa sarili na baka ganoon rin ang aking reaksyon kung sakaling nakakita ako ng isang katutubong may dalang sibat. Ngunit, napag-isipan ko, bakit naman ako matatakot, hindi ba? Pareho lamang kaming tao, at magkababayan pa. Ano’ng dahilan?

Siguro, ang iba na nakakita mismo ng pangyayari ay natakot dahil sa kanilang itsura at pananamit, at syempre ng kanilang katutubong gamit. Ngunit, Pilipino rin sila tulad natin, hindi naman sila mga aswang o ‘di kaya ay mga bakulaw. Habang nag-iisip ako, na-realize ko na dahil rin ito sa ating kinasanayang itsura ng isang Pilipino. Hindi sila madalas makakita ng mga ganito, at lalong-lalo na, hindi nila ito ikinasanayan dahil nga nasa isip na nila ang kanluraning ideolohiya at deskripsyon ng isang tao.

“We are not Asians,” sabi nga ng isang napakagaling na nobelista na si F. Sionil Jose, “we are Latinos” patuloy nito. Oo, sa heograpikal na aspeto, nasa panig tayo ng mga Asyanong bansa.Ngunit, sa paliwanag nga ni Jose, ang isip, puso, at diwa ba nati’y tunay na mga asyano?

Wala tayo sa mainland Asia, kung saan naroroon ang mga ideolohiyang asyano. Nakakaapekto kaya ito sa pagtatayo ng kamalayang Asyano, at lalong-lalo na ng kamalayang Pilipino? Paanong masasabing ang isang bansa ay Asyano? At paano ba natin gagawing mula utak Latino, papuntang Asyano hanggang sa maging, Pilipino ang ating pag-iisip?

Unang-una sa lahat, bago natin masagot ang mga katanungan ano nga ba ang ibig sabihin ng “utak” Latino, Asyano, at Pilipino?

ANG PINOY AY RACIST

Sa mga nakataang taon, sa panig ng hilagang kanluran ng mundo, namuo ang tensyon sa pagitan ng mga puti (mga “nakatataas” na lahi) at itim (“nakabababang lahi). Inapi ang mga itim at itinuring na pabigat, mahina at pasakit sa bansang Amerika. Namuo sa utak ng mga puting kabataan na mababa ang kalagayan ng mga itim at talaga namang magagaling at nakatataas ang mga puti. Dahil dito, mas tumindi pa ang pang-aapi sa mga itim.
Nadala ang kaisipang ito sa ating bansa. Sa tulong ng ilang pangyayari sa kasaysayan, itinuring nating mababang uri at mga traydor ang ating mga etnikonggrupo. Inalila ito ng mga Amerikanong sumakop at nang-asar pa na tayo raw ang kanilang “little brown brothers” na labis naman nating ikinatuwa. Nauto nila tayo. Sabi nga ni F. Sionil Jose, nakuha o namana natin ang kanilang mga kapintasan hindi ang kanilang mga positibong katangian. At isa sa mga kapintasan nila ay ang pagiging racist.

SA LRT:

Banyaga: *nakatayo*
Manang: *may bit-bit na bata*
Lalaking Pinoy: (sa banyaga) Ma’am, you can sit here.
Banyaga: You, Filipinos are so polite!

Kelan pa kaya nagkaroon ng ordinansa na magpaupo ng isang banyaga samantalang nasa harapan mo na ang kababayan mong naghihirap? Labo n’yo!

Ang pagka-racist ng mga pinoy ay hindi laban sa mga dayo kundi laban sa mismo nating mga kababayan. Mas ipinagmamalaki natin na may mga dayuhan sa ating lugar kesa sa ating mga kalahing karapat-dapat namang ipagmalaki.

Kung sa Amerika, ang mga puti ay minamaliit ang mga itim, dito naman sa Pinas, mga itsurang “Latino” ang ang tinitingala. Kung napapansin ninyo, halos lahat ng mga itinuturing nating mga “magaganda” ay ang mga mestizo. Maganda o gwapo ka kapag mestiso ka. Angat ka kapag makinis at mapuputi ang kutis mo. Walang papansin sa iyo kung kulay putik ka. Nag-ugat ito noong panahon ng mga Kastila kung saan ang mga Pilipino ay nais maging mga Espanyol. Naipasa naman natin ang kagustuhan nating itoat nadala hanggang sa ngayon. May nagawa ba sa ating maganda? Aba, malay ko sa inyo.

KULTURANG ASYANO

ql2zegqe
2nd year high school ako nang natitigan ko mata sa letra ang mga pahina ng aking libro. May natutunan ba ako? Wala! Hindi naman kasi nagtuturo ng maayos ang aking mga guro, e. Nagpapabilisan lamang kami ng aking kaklase sa pagkopya ng libro sa notbuk. Nananalo naman ako, mabilis akong magsulat e! Ngunit, pinagsisihan ko ang lahat nang ito ng ako’y makatungtong sa kolehiyo (lalong-lalo na nang pinili kong magpakadalubhasa sa kasaysayan). Nanghihinayang ako’t gusto kong ssisihin ang aking mga guto sa A.P 2 dahil mas masaya palang mag-aral kesa kopyahin ang mga nilalamang ng isang buong libro. Mas makulay ang mga salita kung iintindihin at hindi kokopyahin.
Inaamin kong maraming pagkukulang ang ating edukasyon sa bansa. Maraming esensyal na lesson ang hindi nabibigyan man lamang ng kaunting diskusyon sa klase. Kaya naman tulala lamang tayong lahat kung tatanungin ang kaalaman sa ating pagiging asyano.

Ang mga bansang Tsina, India at marami pang iba ang mga bansang nasa sinasabing “mainland asia” kung saam kitang-kita ang yabong ng kulturang Asyano. Ano naman yang “Kulturang asyano” na iyan? Ang asya ay isang kontinente na binubuo ng mga bansa. Ibig sabihin, ang “kulturang asyano” ay ang pinagsama-samang kultura ng iba’t-ibang bansa sa asya–tulad ng Tsino, Indo, at iba pa nanagbibigay sa atin ng identidad bilang isang Asyano. Marami ring naiambag ang mga pinoy sa kulturang ito, ngunit lahat ng ito ay may bahid dayuhan nang dahil sa mga nanakop sa atin.
Eh, ano naman ang kinalaman ng “Kulturang Asyano” sa pagiging asyano natin? Sa isang lugar, nabubuo ang pagiging buo ng bansa kung meroong isinasalin-salin na kaibang tradisyon na magbibigay sa atin ng identidad. Identidad para ,akilala ang lugar na ito na lugar ng mga tagaroon. Sa madaling salita, kung meroon tayong “unique” na kultura o tradisyon na patuloy na isinasalin, patuloy tayong makikilala bilang mamamayan ng lugar na iyon dahil sa dala ng ating kultura. Paano naman masasabing hindi NA tayo kaisa sa pagiging asyano? Kailan masasabing HINDI NA tayo asyano sa puso’t diwa? Simple lang, masasabi nating hindi na tayo asyano kung:

1. wala na tayong kaalaman sa ting kultura’t tradisyon
2. wala nang pakialam o sapat na edukasyon sa kalapit na mga bansang asayno
3. kinakahiya ang ating pagiging asyano
4. hindi tumatangkilik sa sariling atin
5. walang pagpapahalaga sa ating pangkat etniko at;
6. nanggagaya na tayo sa kultura at gawi ng ibang mas maimpluwensyang bansa

IKAW? ASYANO KA BA TALAGA?

“THE FILIPINO SPIRIT”

Bonifacio, Rizal, Aguinaldo, at marami pang iba. Sila at iba pa ang unang nagtayo ng pundasyon sa pagiging “Pilipino” natin. Sa pagsalin nito sa ating mga lolo’t lola hanggang sa atin, alam pa ba natin ang diwa ng pagiging Pilipino? Sa panahon ng internet at teknolohiya, ano na ba tayo ngayon?
Madalas nating marinig ang mga salitang “Pilipino, sa isip at gawa” naitanong na ba natin sa ating mga sarili kung ano nga ba ang kahulugan ng pagiging “Pilipino”? O baka naman hanggang titik at salita na lamang tayo? Sa isang nabasa kong sanaysay (pasensya na’t nakalimutan ko ang pamagat ng sanaysay), nagulat ako nang sinabi ng awtor na ang kahulugan raw ng salitang “Pilipino” sa panahon ni Cory Aquino ay mga “immigrant workers”. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko dito noong una. Hindi na rin naman kataka-takang naging mababa ang tingin sa atin ng mga dayuhan. Inihalintulad na tayo sa Mexico na tinuring naman nilang “house servants” lamang. Ito ba’y dahil sa kawalan ng ating konsepto sa pagiging “Pilipino”?

Nakalimutan na nga talaga natin ang depinsiyon ng salitang “Pilipino” na pinaghirapang buuin ng ating mga bayani. Sa panahon ng pananamantala ng mga dayuhan, nagkaisa tayo’t nabuo ang lahing “Tagalog” na pagkakaisa ng mga nagtutulung-tulungan na mga mamamayan ng mga bayan. Dahil dito, masasabi kong ang mga Pilipino ay lahi ng pagkakaisa. “Isa” ba tayo? Hindi ata, ang pagiging isa at buo ay pagkakaroon ng isang pangarap at mithiin. Tinanong ko si tatay, anong pangarap mo? “Makapagtrabaho sa Dubai” eh, si ate kaya? “Makapangasawa ng kano.” Eh, si bunso? Magkaroon ng iPad. “Isa” ba tayo ng hangarin at mithiin? Oo, ngunit laban sa mismo nating bansa.

Ang mga Pinoy ay lahing “Bayani”. Marami tayong bayani. Halos daang libo ang nasa listahan ng mga bayani. Kilala mo ba? Oo, naman! Si Captain America, Iron Man at Spider Man!

“Ang Pilipino ay mga taong nagmamahal, pumoprotekta at nagmamalaki sa bayan at higit sa lahat, ang pagiging Pilipino. Ngunit, ipinagmamalaki ba natin ito sa kabila ng turing sa atin bilang mga “immigrant workers”? Tanungin natin ang mga OFWs.

Banyaga: What country are you from?
Pinoy: A, e, a… wait! I have something to do! Bye!

Ngayon, itatanong ko sa inyo– Ikaw ba’y Pilipino sa isip at gawa?

HINDI PA HULI ANG LAHAT

Bata pa ang ating bansa kumpara sa mga kalapit nating mga bansa. Mayroon pang panahon upang mabago ang ating pagtingin  sa bansa. Ngunit, sana’y kumilos na tayo habang hindi pa huli ang lahat. Paano ba natin sisimulan ang nais nating transpormasyon– mula sa pagiging utak Latino, patungo sa utak Asyano, at hanggang sa maging “Pilipino sa salita at gawa”?

GOBYERNO AT MIDYA

Simulan natin sa Gobyerno. Bakit hindi magpatupad ng batas kung saan maari nating ikalat ang kulturang Asyano at Pilipino. Hindi sa sinasabi kong magkaroon ng panibagong Imelda Marcos, ngunit dapat nating gawing kapana-panabik ang kultura’t kasaysayan ng ating bansa.

Humihina na rin ang mga industruyang pangkultural tulad ng teatro, biswal na sining o pagpipinta, at lalung-lalo na ng TUNAY na musikang PILIPINO (‘di tulad ng mga kantang “OPM” daw ngunit kung makapagbigkas ng salita ay parang “slang”. Tanungin mo kay Mr. Naseyeneenglehet). Bakit ‘di bigyan ng subsidiya ang industriyang ito? O di kaya’y palaganapin sa tulong ng midya. Maimpluwensya ang midya at maaring magtagumpay ito.

EDUKASYON

Ayokong ang susunod na henerasyon e mabaliw na lamang sa mga larangang dayo na hindi naman angkop sa ating bansa. Bakit hindi natin ituro sa mga kabataan ang MASIGLA at puno ng buhay na pagtuturo ng kasaysayan at ng sibika at kultura. Sa pamamagitan nito, malay mo marating ng Pinas ang rurok na hindi naman natin lubos maisip na mangyayari pala.

Kabataan ang pag-asa ng bayan. Tama ito, ngunit, hindi makakaya ng mga kabataan kung wala ang mga matatandang gagabay sa kanila. Hindi lang kabataan ang pag-asa ng bayan kundi, ikaw, ako, si lolo, si lolam si tatay, si nanay, si ate, si kuya at si bunso.  Kung magkakaisa tayong iangat ang ating bayan, sabay-sabay nating makikita ang muling pagsikat ng pag-asa na hindi nakita ng ating mga bayani. Siguro, kapag makamit natin ang pagbabago, magiging kampante at masaya na tayo na makita hindi lamang natin, ngunit pati na ng mga bayaning nagsugal ng buhay– ang iisang pangarap ng nagkakaisang TUNAY na ASYANO at PILIPINO.

Ano sa Tingin nyo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s