Mga Kabalintunaan ng Buhay: Ipinanganak Upang Mamatay


Ang hangaring makapasa sa pagsusulit kinabukasan, ang hangaring makapasa sa mga mabibigat na asignatura, ang hangaring makapagtapos ng pag-aaral, hangaring magkaroon ng tiyak at marangal na trabaho, hangaring mapasagot ang iniirog, ang hangaring magkaanak, hangaring magkarooon ng maayos at masaganang kinabukasan para sa pamilya, at ang hangaring matupad ang lahat ng hangarin sa buhay na puno ng hangarin ay mauuwi lamang sa iisang pangkaraniwan at natural na katapusan– ang kamatayan. Mahirap mang tanggapin ang katotohanan, totoo ngang ipinanganak ang tao upang mamatay. Para tayong isang pinalagong marupok na halaman, pinalaki at pinaghirapang patubuin ngunit sa huli’y matutuyo ang dahon, at unti-unting babagsak hangga’t malamon na ng masaganang lupa ang organik na halaman.

Kabalintunaan nga kung masasabi. Kahapon pa’y naririyan ang ating mga mahal sa buhay. Nakakasama at nakakadaupang-palad pa nga, ngunit sa isang iglap ay parang bulang maglalaho at lilisan. Walang tao o bagay ang hindi lumilisan at yumayao. Subalit, sa kabila ng masalimuot na kabalintunaan ng buhay, bakit may iilan pa rin ang nakaiintindi at nakatatanggap ng kabalintunaang ito?

Hindi nga lamang tayo dapat na “lumalagi” o “tumitira” lamang sa mundong ito upang masabing tayo nga ay tunay na “nabuhay” kundi dapat rin nating alamin na dapat na BUHAY tayo at kumikilos.

Kung titingnan natin ang literal na kahulugan ng “buhay” sa konsepto ng Pilipino, hindi lamang ito simpleng panggalan (noun) na tumutukoy sa panlabas na anyo ng pagiging BUHAY (living) kundi ito’y may mas malaliman pang depinisyon ng buhay kung saan aktibong gumagawa at kumikilos (action).

Sa pagitan ng pagkapanganak at pagkamatay, may isang mahalagang elemento ang pumapaimbulog at lumilitaw na s’ya dapat nating isa-alang-alang sa ganap na pagkaBUHAY– ang oras. Maikli man o mahaba ang oras, hindi natin maipagkakaila na habang naririyan ang oras, dito lumilitaw ang realisasyon na ikaw ay nabubuhay. At upang ganap na mabuhay ay dapat nating gamitin ang oras at tiempong ito na ibinigay sa atin ng buhay. Kumbaga sa linggwahe ng isang ganap na Pilipino, diskarte na ng buhay (alive) na taong may buhay kung paano isasakatuparan at isasakaganapan ang pagiging buhay. Diskarte mo iyan kung gagawin mo bang makabuluhan o walang silbi ang iyong “pagpapaka-buhay” (being alive).

S’ya nga! Iba nga talaga ang kahulugan ng katagang “ipinanganak upang mamatay”. Tila sinasabi rito na ikaw ay ipinanganak lamang at hindi nagdebelop bilang isang ganap na tao, pasibo at walang anumang ginagawa. Ngunit, sa kabilang banda, kung ating pasusubalian ang katagang ito, mas makatarungan sigurong sabihing nabuhay ka upang mamatay. Sa mga katagang ito, may isang positibong konotasyon na nagbibigay ng kahulugan na may ginawa ka habang nabubuhay. Tila ba nagbibigay ito ng satispaksyon at kagaanan ng loob na mamatay ng may ginawa at napatunayang naBUHAY ka ngang talaga.

Ikaw bilang isang tao, anong diskarte ang iyong pipiliin? Ipinanganak upang mamatay, o nabuhay upang mamatay? Sa iyong diskarte nakasalalay ang iyong pagpapakaBUHAY bilang isang taong may buhay.

Ano sa Tingin nyo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s