6jem

Bakit Korap ang mga Politikong Pilipino?


Isyu sa substandard na pampublikong imprastraktura, nag-guguhuang mga tulay tuwing sasapit ang panahon ng kabagyuhan, panloloko sa mga mahihirap nating kababayan, pagtatalaga ng mga kamag-anak at kaibigan sa pwesto o nepotismo, at pagpapabango at pagpapalinis sa pangalan, ilan nga lamang ito sa mga karaniwang natutunghayan nating balita patungkol sa ating mga politiko. Pusang gala! Ganito ba talaga ang mga Pilipino o sadyang ganito lang talaga ang mga Pilipino? Bakit kaya korap at hindi mapagkakatiwalaan ang ating mga Politiko? Kung hindi naman sila mapagkakatiwalaan, bakit naman natin sila patuloy na ibinoboto? Wala na ba tayong ibang paraan para mabago ang marumi at mapanlinlang na politikong ito?
 
Pilit kong binigyang kasagutan ang mga katanungang ito, na alam ko namang lahat tayo ay sinubukan nang tanungin at sagutin ang mga ganitong klaseng tanong. Bakit nga ba korap ang mga nailuklok natin sa pwesto? Siguro, ang iba sa atin ay maaring isagot na wala silang iniisip kundi personal na interes lamang nila. Malamang na ang mga pulitikong ito ay walang habag o hindi nakikita ang kahirapan ng ating bansa. Pero ito lamang ba ang mga dahilan na iyon kung bakit sila ganito ka-kurap? Maari kayang masagot ng kasaysayan ang mahiwagang tanong na ito? E, bakit nga ba talaga?
 
Maari nating madetermina ang kasagutan sa ganitong klaseng mga tanong sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa ating kasaysayan, kung saan tayo nagmula. Naniniwala ako na may pinaka-malaking gampanin ang mga pundasyon o nagpasimula patungo sa kinabukasan ng isang lipunan. Sa kasong ito, babalik tayo kung saan nga ba nagsimula ang ating “pamahalaan”.
 
 
Politikang Pang-Ilustrado
 
Taong 1899 nang tayo’y sumabak sa isang giyera laban sa mga Amerikano upang maipaglaban ang ating minimithing kasarinlan. Noong taon ding iyon namayagpag ang mga rebolusyonaryo kasama ang mga dating katipunero tulad nina Heneral Emilio Aguinaldo. Lugmok na lugmok ang ating ekonomiya. ‘Di lamang mga proletariat ang naapektuhan sa aspetong pangkabuhayan kundi pati na rin ang mga negosyanteng labis na naapektuhan ang mga negosyo dahil sa giyera laban sa mga Amerikano.
 
Nagtapos ang labanan. Lugi ang mga Pilipino. Natalo at napasailalim tayo sa kamay ng mga imperyalistang Amerikano. Dito nagsimula ang pag-iisip ng mga “ilustrado” o mga elitistang Mestizo/Pilipino na pumanig sa mga Amerikano dahil nawawalan na sila ng tiwala sa tropa ni Aguinaldo at dahil sa takot na sila’y mapasailalim sa “military government” ni Emilio Aguinaldo. Nakipagtulungan ang mga Ilustrado sa mga Amerikano, at agad-agad na nakuha ng mga Amerikano ang loob ng mga Ilustrado sa pamamagitan ng pag-aalok ng kapangyarihan.
 
Sa yugtong ito ng ating kasaysayan, ang mga namumuno ay purong mga elitista lamang na may personal na interes para sa kanilang mga kabuhayan at kapangyarihan sa Gobyernong bagong tatag sa ilalim ng mga Amerikano. Purong mga mayayaman lamang o mga ilustrado ang maaring mailuk-lok sa pwesto noong mga panahon ng mga Amerikano. Ito ay dahil mas may edukasyon ang mga mayayaman kaysa sa mga mahihirap. Mas marunong makipag-negosasyon ang mga mayayaman kesa mga mahihirap (dahil sa language barrier na Ingles, at tanging mga mayayaman lamang ang nakapagsasalita nito). Sa panahong ito, totally, walang boses ang mga mamamayan. Hindi lahat ng tao sa bansa ay nakaboboto. Tanging piling mga representante lamang ang nakaboboto upang marinig ang kanilang mga tinig.
 
Dahil dito, nagkaroon ng malaking agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap. Nasa mga mayayaman ang lahat ng sey sa gobyerno, at wala namang boses ang masa. Tigang, hindi lamang ang demokrasya, kundi pati ang mga puso ng mga Ilustrado ng dahil sa kanilang inaatupag na pagpapalawak ng kapangyarihan at interes.
 
Pagsasanib ng Filipino Values at ng Politika
 
Ang “Diskarte” ng mga Elitista
 
Kilala ang “diskarte” bilang isang karakter ng isang tunay na Pilipino. Street smart kumbaga. Pero sa kasong ito, nagamit ng mga Elitista ang Pilipinong karakter na ito sa “negatibong” paraan.
Tanging mayayaman lamang ang may karapatang umupo sa pwesto. Ang depinisyon ng mayaman noon ay may lupa at s’yempre ‘pag may lupa, may negosyo. Dahil nga ang mga ito ay may personal na interes (palawakin ang kapangyarihan at negosyo), ginamit nila ang kanilang sariling diskarte upang mas mapalawak pa ang kanilang kapangyarihan. “Sumipsip” sila sa mga Amerikano at nagkunwang pabor sila sa lahat ng iuutos sa kanila ng mga Amerikano. Sa ganitong paraan, hindi lamang sila nakapag-acquire ng pwesto kundi nagkaroon rin sila ng oportunidad na maranasan ang benepisyo na makipagkampihan sa mga “dominanteng” mga Amerikano. Ma-diskarte hindi ba?
 
 
Democracy, The Filipino Way.
 
 
Upang masagot ang katanungan patungkol sa nepotism o sa kolokyal na terminolohiya ngayon, Kamag-anak INC., maari nating mai-ugat ito sa pagi-incorporate ng konseptong Demokrasya na hatid ng mga Amerikano, at Demokrasya, sa pagkakaintindi ng mga Pilipino. Ang mga Pilipino, noong sinaunang panahon (hanggang ngayon) ay naniniwala sa konsepto ng utang-na-loob. Dahil sa konsepto ng utang na loob, naihalo ang konseptong ito sa Demokrasya ng mga Amerikano. Ibig sabihin, sa oras na naluklok na ang mga opisyal, magsisimula na silang tumanaw ng utang na loob sa mga pinagkakautangan nila ng loob. Democracy, the Filipino way. Napaka-madiskarte talaga hindi ba?
 
 
PAANO KUNG…?
 
Dahil nga sa sinabi ko kanina na naniniwala ako na ang may malawak na kontribusyon sa kung ano ang ika-hihinatnan ng bansa ay mula sa pundasyon o pagsisimula, paano kaya kung hindi mga elitista ang namuno sa atin? Paano kaya kung si Bonifacio? O hindi kaya isa sa mga Rebolusyonaryo, na s’yang nakakaintindi sa sakit ng paghihirap sa ibaba ng hirarkiya? Ano kaya ang maari nating ikahinatnan, hindi ba? Isipin n’yo na lang na naiintindihan tayo ng ating mga pinuno. Hindi dahil pinuno sila kundi dahil naiintindihan n’ya tayong pinamumunuan n’ya dahil nagmula rin s’ya sa paghihirap natin? Paano kaya ano? Magiging mas maganda kayang tirhan at ipagmalaki ang ating bansang Pilipinas?
 
Nakipaglaban sila. Nakipaglaban ang masa. Pero mauuwi lang sa pamumuno ng isa sa mga nakatataas na klase na hindi naiintindihan ang pinaglalaban ng nauna sa kanila? Parang hindi naman lohikal iyon. Parang “ako ang nagsaing, ikaw ang kumain.” ang dating n’un. Para bang silang mga masa ang naghirap at nagsakripisyo ng buhay pero ilustrado rin naman pala ang makikinabang at mamamahala ng ating bansa. Ewan ko ba! Magulo!
 
 
Kongklusyon
 
Bakit pa ba natin binoboto ang mga politikong sa huli ay babatukan rin natin ng batikos?
 
Naging tradisyon na nga siguro ng mga Pilipino simula nang sila’y nabigyan ng pribilehiyong bumoto na pumili ng mga kandidatong “high-profile” ngunit wala rin namang binatbat. Kung may binatbat man ay puro batikos. Isa rin sigurong taktika ng mga Amerikano na papag-aralin ang mga politiko kung paano mamuno ngunit hindi ang mga pangkaraniwang tao na papag-araling bumoto ng wasto. Edukasyon lang naman talaga e. Tingin ko, hati pa rin ang edukasyon noong mga panahon ng Amerikano kahit sabihin pang pioneer sila ng edukasyon sa Pilipinas. May tinuturo sa eskwelahan na maaring makapag-brainwash sa kanila at mga hindi tinuturo sa eskwelahan na kapag tinuro’y makapagbubukas sa kanilang mga inosenteng pag-iisip.
 
Sa moderno at kontemporaryong panahon, paano kaya natin masosolusyunan ito? Para sa akin, Democracy is dead when people are dead. Kumilos tayo kapwa ko Pilipino. Huwag mag-patay-patayan o huwag maging patay. Nakasalalay ang kasalukuyan natin sa ating mga “buhay pa” at may maaring magawa. Gamitin ang ating katangiang Pilipino sa positibong pamamaraan. Huwag maging tanga. Basagin ang tradisyon ng pagboto sa mga tradisyunal na politiko.
 

One thought on “Bakit Korap ang mga Politikong Pilipino?”

Ano sa Tingin nyo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s