Mga Imbak na Marka: charice

Same Sex Relationship sa Pinas: Abrub o Hindi?

Isang malaking hakbang sa kasaysayan ng mundo ang pagbabasura sa batas na makakasagasa sa karapatan ng lahat ng taong nais umibig anuman ang kasarian. Maraming tumutol at umangal ngunit, mas marami ang sumuporta. Dito mismo sa Pilipinas, isa ring napakalaking isyu na tungko sa kasarian at personal na identidad ng tao ang umusbong. Isa sa mga kontrobersyal at matatapang na nagpahayag ng damdamin ay ang iconic at international singer na si Charice. Humanga ako sa mangangantang ito dahil sa pageekspres nito ng personal niyang kalayaan simula pa lamang nang lumabas ang mga usap-usapan. Mas lalo lamang akong humanga noong nagbigay ito ng pahayag sa publiko. Agad namang nakuha ang simpatya ng marami. Ngunit, mayroon pa ring tumututol dito.

Mabigat na isyu ito ‘di lamang sa Pilipinas, kundi pati na sa halos lahat ng parte ng mundo. Ang artikulong ito ay magpapahayag ng sarili kong opinyon (o pati na rin ng nakararami) kung bakit natin kailangang tanggapin at respetuhin ang ganitong uri ng sitwasyon.  Hindi ko sinasabing ganito rin ang inyong paniwalaan. Ngunit, sana nama’y makita ninyo ang esensya at mensahe na nais kong ipaintindi at ipaalam sa publiko.

Love is Love

Ang pag-ibig ay pag-ibig. Walang mata ang pag-ibig. Lahat tayo’y may karapatang umibig at magpaibig. Nataon lamang na may kani-kanya tayong preference sa buhay. Kung ang bulag nga ay di bumabase sa pisikal na kaanyuan, bakit hindi natin subukan na hindi tumingin sa physical make-up ng isang tao. Sa pilosopiya, partikular sila dito, at para sa akin, ito ay totoo– Walang kasarian ang kaluluwa at puso. Magkakaparehas tayo pagdating sa ganitong aspeto. Nataon lamang na ipinanganak ang tayo na may limitasyon– ang sex organs. Hindi naman ibig sabihin na magkaiba kayo ng hugis ng tenga e, magkaiba na rin kayo ng naririnig. Ganito rin sa pag-ibig at sekswalidad. Pinaka importante ang puso at damdamin.

Kalayaan ng Desisyon

Ang pinaka pinahahalagahan kong aspeto ng buhay ay ang kalayaan. Hindi ka totoong buhay kung wala ka namang kalayaan. Hindi ka ganap na tao kung hindi ka malaya. Dahil, para sa akin, kung hindi ka malaya, para ka lamang isang materyal na bagay na kinokontrol ng nasa iyong kapaligiran. Mas maigi nang maiba kesa maging kaisa sa mga tao/bagay na kinokontrol at napapakontrol sa kaisipan ng iba.

Religion is Just a Concept of Human Mind

Malamang na maraming aangal sa bilang na ito. Unang-una, hindi ko tinutukoy at iniuugnay ang relihiyon sa mismong Diyos. Iba ang Diyos sa relihiyon (pero pareho lamang itong konsepto). Katulad ng huling bilang, halos magkatulad lamang ito. Ang relihiyon ang kumokontrol sa karamihan sa atin. At ang relihiyon ay konsepto ng ibang tao na nataong mas nauna lamang sa atin. Kung gayon, sinabi ko kanina, huwag tayong magpakontrol na lamang sa ideya o paningin ng iba. Religion is just an option, not an obligation.
Kung kokonsultahin natin ang bibliya, makikita natin ang iba’t-ibang bawal na ipinagbabawal ng “Diyos”. Kung susuriin pa natin sa ibang anggulo, sino ba ang gumawa ng bibliya? Tao hindi ba? Sasabihin ng iba na ito ay may kasamang gabay ng Panginoon. Ngunit, hindi kaya sinasabi lamang nila ito para tayo’y maniwala? Wala pa namang nakikitang patunay na nangyari nga talaga ang mga kaganapan sa bibliya, e. Ang tanging punto ko lamang dito, hindi natin sigurado kung tama nga ba ang sinasabi nila. Magsuri rin tayo ng mga bagay upang mas maliwanagan pa tayo.

Pagkakapantay-pantay

Noong mga nagdaang siglo, ipinaglaban ng mga kababaihan ang pagkakapantay-pantay ng kasarian. Ang babae ay pantay sa lalaki. Ngunit, oras na para sa iba namang sitwasyon. Pagkakapantay-pantay ng tao. Hindi lamang ng kasarian ngunit, lahat ng tao.

Pinapangarap ko na balang araw, wala ng tatawaging babae o lalaki, tanging maitatawag lamang sa ating lahat ay TAO. Ang kasarian ang orihinal na ugat ng diskriminasyon. Kung wala tayong “labeling” ng kasarian, siguradong pantay tayong lahat.

Hindi ko man kayo mapapaniwala sa paniniwala kong ito, kahit papaano, e sana ay mapagisip ko kayo at mamulat ang inyong mga mata sa realidad ng buhay. Para sa akin, walang masama kung iibig tayo labas sa ating mga pisikal na kaanyuan. Maraming salamat at mabuhay ang lahat ng totoong mga TAO!