metamorphosis_peacock_by_klarem-d60edj8

Maikling Kwento: Metamorposis


metamorphosis_peacock_by_klarem-d60edj8

Larawan mula sa: http://fc03.deviantart.net/fs70/i/2013/094/2/d/metamorphosis_peacock_by_klarem-d60edj8.jpg

Mahigpit na yapos. Kamay na mainit na yumayakap sa aking palad. Maririing halik na gumugulat at gumigising sa aking katauhan. Lahat ng ‘yon ay yumao na at bumaon sa aking mga ala-ala. Wala na s’ya. Wala na nga talaga si Tessa. Tanging sa kabilang dimensyon ng mundo ko na lamang masisilayan ang maamong mukha at mga ngiting nakakabihag. Sa kabilang dimensyon na tanging utak ko ang nagpapagalaw at kumokontrol.

Hinila ko ang tablang nagsilbing pinto ng barung-barong. Mas malamig ang gabing ito kumpara sa mga ordinaryong gabi. Nanginginig ang tuhod ng asong gala sa tapat ng barung-barong na tila nagsasabing ampunin ko. Wala na ring naglalakong magbabalot na rumoronda ngayon. Wala na ring mga batang nagbubunuan at nagsusuntukan sa kalye at mga inang nagtsi-tsismisan tungkol sa nakuha nilang panty at bra sa eybon. Malamig ang gabi. Pero ito’y isa pa ring ordinaryong gabi para sa akin.

May narinig akong mahinang kaluskos. Parang kaluskos ng isang taong nagdadahan-dahan. S’ya na kaya ‘yun? Ito na nga ba ang gabi na tuluyang ikababago ng aking buhay? Ito na nga ba ang simula ng pagbabalik ng mga gabing mainit? Iikot na nga ba ng tuluyan ang aking mundo? Makikita ko na nga ba ang liwanag ng mukha ni Tessa? Lumapit ako sa ingay. Sa isang bukanang napipintuan ng isang yero. Papalapit ng papalapit. Kumakabog ang dibdib. Naghahandang tumalon at magsaya sa tuluyang pagbabago ng aking tigang na buhay. Hindi pa ako nakalalapit ay may sumulpot na kamay. Tila hinihipo at pinaglalaruan ang isang maliit na insektong nasa papag. Si Tessa. Pusa ko. Tanga na nga ako kung tanga! Ipinangalan ko ang pusang ‘to kay Tessa sa kadahilanang obsessed ako sa kanya. Ngayon, nagsisisi ako kung bakit ko s’ya pinangalan kay Tessa. Putsa! ang hirap n’ya kasing kalimutan e. Nabitin ang tensyong kumalat sa buong katawan ko. Ngunit, mas okay na ito. Mayroon akong kasama sa malamig na gabing ito. Minsan lang umuwi si Tessa, ang pusa. Buti pa nga ‘tong si Tessang pusa e kahit papaano ay umuuwi. Pero itong si Tessang tao, umalis na nga, ‘di pa nagpaalam. Minsan talaga, mas okay pa ang mga hayop ke’sa mga tao. Mas tao pa ang hayop kumpara sa mga taong parang hayup. Si Tessang tao, para sa akin, ay isang halimbawa ng buhay na “cat woman”. Darating sa buhay mo, papakainin mo, pero kapag nabusog na, aalis at maghahanap ng iba. Parang pusa. Parang hayup!

Binuhat ko si Tessang pusa at kinarga. Masarap yakapin ang mga pusa kapag malamig. Tumingin ito ng diretso sa akin at nagpakyut. Ang kanyang mga mata ay parang mga mata ni Tessang tao. Mapangkumbinsi. Ibinaba ko si Tessang pusa at sabay kaming nagpunta patungong mesa. Tumambad sa aking mga mata ang kaning lamig mula sa tira kahapon. Walang ulam. Ibinaling ko muli ang aking mga paningin kay Tessang pusa. Pusang ina! Kung ‘di lang sana kyut itong si Tessang pusa e sana’y nakatay ko na ito at nai-kaldero upang makain. Pero ngayo’y nagsusumamo itong si Tessa na pakainin s’ya. Pakakainin ko ba s’ya o s’ya ang kakainin ko? Ewan! Dumukot ako ng barya sa bulsa ng pantalon. Sampung mamiso ang nadukot ko. Tama na siguro ito para sa isang noodles.

Pag-uwi’y nalimutan kong ubos na pala ang uling at wala na ring posporong paninde ng de-uleng na kalan. Pusang ina! Wala na akong pera. Nagugutom na ako. Ganoon rin si Tessang pusa. Kinuha ko ang termos at saktong may kaunti pang tubig. Maligamgam na pero solb na ako dito. Isinalin ko ito sa mangkok at binuhusan ng pulbos galing sa pack ng noodles. Ginawa ko itong sabaw at binuhos sa kaning lamig. Maya-maya’y okay na ako. ‘Di pa busog pero okay na okay na. Kapag nagutom uli ako ay mayroon pa akong makakain. Gagawin ko na lang na tsitsirya ang pancit na noodles at bubudburan ng kaunting powder. Ngumiyaw si Tessang pusa at nagpakyut. May tira pang kaunti. Ibinigay ko ito sa kanya.

Nandito si Tessang pusa sa aking tabi. Pero ‘di pa rin maikakaila ang katotohanang walang nagbago sa gabi kong ito. Nagsimula ang umaga na malamig at malungkot, nagtapos ang gabi na malamig at malungkot. Bilog pa rin ang mundo, gayun din ang mukha ng kapit-bahay ko. Mahirap pa rin ang trabaho sa junkshop, mababa pa rin ang sahod ko. Nagbago man ang timpla ng kape sa umaga, wala pa ring pinagbago ang timpla ng aking buhay. Akala ko dati, simula nang sumama si Tessa sa Amerikanong sunog na wala man lang pasabi, tumigil na ang ikot ng mundo ko. Pero ngayon, hindi pala. Nagpatuloy ang ikot ng mundo na walang malaking pagbabago kundi umikot ng umikot ng walang tigil. Tila sumasayaw na ballerina sa loob ng kahong tumutunog pero wala namang pagbabago ng isteps kundi ang pag-ikot lamang. Wala na rin atang pag-asang bumalik ang pusa ng buhay ko, ang cat woman ng buhay ko. Mas okay na ‘tong si Tessang pusa. Kahit umaalis, bumabalik pa rin.

Pumikit ako’t nagsimulang bumuo ng sarili kong mundo. Parang arkitektong bumubuo ng istraktura ng komunidad. Parang gobyernong gumagawa ng sariling batas. Parang batang gumagawa ng sariling mga pangarap.

Nakita ko si Tessa. Hindi si Tessang pusa, kundi si Tessang tao. Wala ang Amerikanong sunog kun’di ako, ang gwapong Ako. Hinele ako ni Tessa sa pagtulog. Tumigil ang pag-ikot ng aking mundo, uminit nang muli ang malamig kong gabi. Blanko.

 

One thought on “Maikling Kwento: Metamorposis”

Ano sa Tingin nyo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s