Isang araw, nagdesisyon si Lea na tumungo sa Hilaga ng kanilang baryo. Nasa bandang hilaga raw ang kayamanang ninanais ng kanyang ama. Mabato and dinaanang ito ni Lea. Maraming pagsubok at unos. Ang nais lamang ni Lea ay makamit ang sinasabing kayamanan na itinuro ng kanyang ama. Masaya s’ya sa paglalakbay na ito. Kahit maraming bagyo, sumige lamang s’ya at nagpatuloy na lumakad para lamang sa ikatutuwa ng ama.
May nakita s’yang isang taong naglalakad pa-silangan. Kinausap n’ya ito at naging magkaibigan sila. Kinwentuhan ng taong ito si Lea kung ano’ng meroon sa bandang silangan at sinabing dito makikita ang totoong kaligayahan at kayamanan na kanyang hinahanap. Nakumbinsi nito si Lea at napaisip s’ya kung sasabay ito sa kaibigan o ipagpapatuloy ang paglalakbay na nais tahakin ng ama. Hindi n’ya alam ang pipiliin. Nag-isip s’ya ng matagal at pinaghintay ang kaibigan hangga’t hindi pa s’ya nakakapagdesisyon. Nainip ang kaibigan at iniwan si Lea. “Hahabulin ko ba s’ya o magpapatuloy ako?” gulong-gulong tanong nito. Hindi pa rin s’ya makapagdesisyon. Hindi na n’ya makita ang kaibigan sa kalayuan.
Nakaramdam na ba kayo ng ganitong pangyayari sa buhay? Mahirap ang ganitong sitwasyon, hindi mo alam ang pipiliin mo. Aling ang tama at alin ang mali? Kagustuhan mo o kagustuhan ng mahal mo sa buhay? Minsan, may mga pagkakataon sa buhay ng isang tao na napapalampas ang mga magagandang oportunidad nang dahil sa mga taong nakapaligid at nakakaimpluwensya sa iyo. “Mag-doktor ka!” sabi ng iyong ama, pero ang gusto mo talaga ay maging pintor. Ano ang pipiliin mo kung nasa ganito kang kalagayan?
Bitin ang istoryang isinalaysay ko kani-kanina lamang. At alam kong magtataka ang mga taga-sunod, tagapagbasa, awdkyens ko dahil sa post na ito. Karaniwang kasaysayan ang paksa ng blog na ito pero, bilang kontribyutor at patnugot ng blog na ito ay humihingi ako ng kaukulang pagpapayo tungkol sa sitwasyong aking kinapapalooban ngayon. At nais kong humingi ng advice sa pamamagitan ng prediksyon n’yo sa susunod na mangyayari sa kwento na aking inilahad sa itaas (Note: hindi po Lea ang pangalan ko.) Kung sino man ang makapagbabasa nito, sana’y magkomento na lamang sa ibaba ng post na ito.
At upang malaman ang sitwasyon ko ngayon, naririto ang importanteng detalye sa ibaba:
Nais ni ama na maging isa akong guro balang-araw. Pumayag ako dahil pumasa naman ako sa isang unibersidad na magaling sa aspeto ng paghuhubog ng mga guro sa kinabukasan. Masaya ako noong una, lalo na noong pinayagan akong magpakadalubhasa sa kasaysayan (ang gusto talaga nila ay mag-english raw ako, pero ayoko.) Nakita kong may kakayahan ako rito, at kahit papaano, magaling/may-alam. Ngunit, pumasok at umusbong ang pagmamahal ko sa larangan ng sining at dyornalismo. Doon na nagkalat at gumulo ang utak ko. May balak akong pagsabayin na lamang ito, pero hindi ko alam kung tama ito o mali.
Sa inyo nakasalalay ang pagkilos ko at pagtupad sa aking mga pangarap. Kaya naman, sa lahat ng makababasa nito, advice naman po? Salamat.