Kung mahirap para sa mga mayayaman ang maging mahirap, mas mahirap sa mga mahirap ang maging mahirap. Mahirap maging mahirap simula pa lamang ng maipanganak. Bakit? Unang-una, lahat ng natatanggap at ibinibigay na serbisyo ay mahina o walang kalidad. Tulad ng edukasyon, halimbawa. Naging konotasyon na sa pampublikong paaralan ang pagiging mahina ng edukasyon na ibinibigay. Kapag mababa ang kalidad ng edukasyon, wala kang matututunan. Kapag wala kang natututunan, aba’y mababa ang pwesto ang ibibigay sa iyong pwesto sa trabaho, kapag mababa ang sweldo, paano na ang mga anak mo? Pagkain lang ba ang maibibigay mo? Sapat ba? Paano naman ang kanilang hilig? Paano ang pagpapa-unlad ng kanilang mga sarili? Ganito rin ang ang mangyayari sa kanya balang-araw? Sikliko na lamang ba talaga ang buhay ng tao na nai-papasa-pasa na lamang? ‘Wag naman sana.
Paaralan. Sa ideyal na paaralan, doon nahuhubog ang kagalingan ng bawat bata. Sa eskwelahan nabubuo ang identidad ng mga ito. Kung ano ang pinaka sa kanilang pagkatao. Talento, kaalaman, potensyal, at iba pa. Paano kung hindi naisakatuparan ang layuning ito ng paaralan? Magiging isa lamang ba silang factory worker na sumusunod sa dikta ng mga kapitalista? Isang construction worker na tumatagaktak ang dugo’t pawis habang umiinom ng alak ang mga amo? Isang kasambahay na nililinis ang bawat sulok ng bahay habang ang amo ay nanunuod lamang ng telebisyon? Isang call center agent na panay ang ingles habang minumura na ng kausap na dayuhan? Hindi ba’t para na tayon alipin? Alipin ng kulungan na humahadlang sa pagdidiskubre ng ating potensyal na kakayahan?
Lahat tayo ay may kanya-kanyang personalidad, talento at potensyal. Edukasyon at ang pamayanan ang humaharang sa atin upang madiskubre ang ating mga sarili. Pamayanan dahil dinidikta nito ang kailangan ng mga mayayamang industriya. Kailangan ng mga tao sa Computer industry, sa communications industry, sa tourism industry, at sa industriyang dala ng mga dayo. Dahil dito, nalilimtahan ang options ng mga taong may kakayahan at potensyal sa ibang bagay.
Halimbawa:
Si Edgar ay isang binatang naghahanap ng trabaho. Simula pa lamang noong s’ya ay bata, magaling na s’yang magsulat. Ngunit, dahil sa pangangailangan, napilitan s’yang mag-I.T na lamang at humanap ng trabahong may kinalaman dito.
Sa halimbawang ito, makikita nating hindi napaunlad ni Edgar ang kakayahan dahil iba ang dikta ng lipunan. Ang magsilbi sa larangan ng teknolohiya.
Paaralan. Isa pa sa mga nakikita kong dahilan. Ang paaralan ang humuhubog at nagdidiskubre sa talento ng bawat isa. Ngunit dahil sa sistema ng edukasyon ngayon (Ang K+12), iba ang pinalalabas o ginagawang produkto ng paaralan… mga manggagawa. Dinidikta nito ang teknikal na trabaho na maari nilang pasukan at hindi ang kanilang mismong kakayahan.
Halimbawa:
Si Maria ay isang magaaral sa ilalim ng sistemang K+12. May potensyal ang dalaga sa larangan ng pagkuha ng litrato. Nais pa nitong mapalawig pa ang kaalaman at matuto ngunit, walang ganitong klaseng asignatura ang inaalok sa eskwelahan.
Sa halimbawa, makikitang ang sistema ring ito ay naglilimita sa maaring ituro ng eskwelahan na syang nagdidikta at pumipigil sa kakayahan ng bata na mapaigi pa ang kanilang kakayahan.
Ang ikinatatakot ko lamang sa puntong ito ay ang pagkawala ng distinksyon o pagkakaiba-iba ng tao. Baka isang araw makita ko na lamang ang pilipinas na gumagawa na lamang ng iisang gawain. At mas malala pa, eh maging subordinate tayo sa mga dayuhan. At lalo’t higit sa lahat, natatakot akong tuluyan nang mawala ang natitirang identidad ng ating pagkapilipino.
Sana’y ito’y isang maging petisyon at boses ng mga kabataang may potensyal sa sining at iba pang katulad. Sana’y ito ay marinig at mapakinggan ng mga tao sa itaas. Iba ang pag-unlad sa tulong ng mga dayuhan at pag-unlad sa sarili nating lakas. Nawa’y mapaunlad natin ang ating bansa sa sarili nating lakas. Sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa ating kultura at sining.