Mga Imbak na Marka: laya

Kalayaan: Isang Hamon sa mga Pilipino

Laya. Kalayaan. Paglaya. Pagpapalaya. Ilang mga salitang nagmula sa salitang-ugat na “laya” o, sa ingles, “free”. Kung ating mapapansin ang pagkakasunod-sunod, ang kalayaan ang nauna. Ang salitang “kalayaan” ay isang abstract na salita kung saan ay binubuo ng mga ideya at pansariling perspektibo ng isang indibidwal. Sumunod ay ang salitang “paglaya”. Isang salitang maaring naglalarawan ng kasalukuyang aksyon. At ang pinakahuli ay ang “pagpapalaya” na naglalarawan naman ng isang ideyang gagawin pa lamang.

Ang kasaysayan ng Pilipinas ay maaring maihalintulad lamang sa apat na mga salitang ito. Mula sa simula hanggang sa hinaharap. Noong una’y naging malaya tayo kaya naman nabuo ang konseptong “laya” sa ating isipan at damdamin. Namuhay tayong walang limitasyon at may mayabong na sibilisasyon at kultura. Nang du,ating ang mga kastila, nandilim ang ating bayan sa takot at pangamba. Maraming pinagkaitan ng karapatang maging malaya, at ang mas malala, ang karapatan sa ating sariling buhay.  Samakatwid, nawalan tayo ng “laya”. Ngunit, ginamit natin ito bilang sandata upang mabuo ang konseptong “kalayaan”. Nariyan ang mga magigiting na bayaning humubog at pumorma sa isipan upang makamit ang “abstract” na ideya ng “kalayaan”.

Dahil dito sa mga bayaning ito, at dahil sa dakilang diwa ng kalayaan na kanilang hinubog, nakamit natin ang “paglaya” ng ating bansa sa lahat ng dayuhang pwersa, pati na rin sa mapangabusong gobyerno ng bansa. Nakamit nating ang paglaya simula sa pangaagaw ng Espanya, Estados Unidos at mga Hapon sa ating bansa hanggang sa pagiging gahaman ng isang diktador.

“Ganito kami noon. Paano kayo ngayon?” sinabi nga ng isang pelikula ni Direk Romero. Ganito sila noon, pinaglaban ang diwa ng “kalayaan” at nakamit ang “paglaya” ng ating bansa. Ngunit, paano tayo ngayon? Doon na papasok ang panghuling salitang “pagpapalaya”. Hindi naipapamana ang kalayaan ng basta-basta na lamang o nakukuha sa isang konteyner ng madali kung kinakailangan. Ang kalayaan ay ipinaglalaban at patuloy na ipinaglalaban. Dugo’t pawis ang puhunan upang makuhang muli ang kalayaan at sa wakas, ay tayong mga kabataan ay makapagpalaya di lamang ng ating bayan kundi pati na rin ng ating mga kabaro. Trabaho natin, bilang bagong binhi ng ating lahi na lumago at gumanda parang isang tunay na halaman upang makatulong sa ating bayan. Sana nama’y mapagtanto natin sa ating mga sarili ang magpalaya ng mata at isip ng ating kapwa. Upang makamit nating muli ang dakilang diwa ng kalayaan. Upang maipaglaban ang kalayaan na pinaghirapan ng ating mga kapatid sa Inang Bayan.

 

YT6SRP75TSXX